Sa Aming Barangay

Sa aming barangay
Marami na ang lumisan
Ito ang kuwento
ng aking mga kapitbahay

Si Elena, dinudugo
ang kanyang ina
Sa pananalasa
ng (mga) lahing mapangamkam
Mag-isang binabata
ang unos ng buhay
sagad hanggang buto
ang hilahil
dahil sa kawalan ng bait
ni amang walang alam,
walang pakialam

Lumisan si Elena
dala ang lampara
at magmula noon -
kapag ako ay dumungaw
pusikit ang dilim
sa kanilang tahanan

Si Ninay na aming kapitbahay
Nilisan din ang aming barangay
upang maging nars
sa ibang bayan

Si Marya naman
Naglilinis ngayon ng bahay
ng mga mayayaman
kinikiskis ang inidoro
ng kanyang amo

Si Neneng na may
tatlong anak - ang isa'y sanggol pa
kamakailan ay nagpaalam
Mag-aaruga raw siya ng mga anak
ng ibang magulang

Dumating ang sulat ni Ninay
Siya raw ay mapalad
Dahil ang ilan
Napilitang magbenta ng aliw
sa mga lahing uhaw sa laman

Ang mga maysakit
naiwang nakatiwangwang
Ang mga sanggol
walang habas ang palahaw
Ang mga mag-aaral
nagugutom ang isipan
Marami ngayon
ang inulilang tahanan

Ganyan ngayon ang buhay
Sa aming baranggay

09/07/2010
5:58AM

Comments

Popular Posts