Hula o Sampalataya

Babala ang hatid ni ina
Sa aming huling pagkikita
Mag-ingat daw ako sa isang tao
na higit ang tanda, malapad ang mukha

ano kaya ang pinsala
na ang taong ito'y magagawa
sa isang tulad kong dayuhan
sa isang bayang di ko pa lubusang maintindihan

Naniniwala ang aking ina sa hula
Ako man ay nagpahula
Doon sa Quiapo
Sa babaeng nakaupo

May hawak na mga barahang tarot
ilang dangkal mula sa simbahan ng Quiapo
mahimalang sambahan ng madla
at ng mga walang ng pag-asa

Maganda ang hula
Kaya ako naniwala
Sino ba naman ang may ayaw
sa magandang balita

Ako raw ay maglalakbay
ang saad sa barahang may sakay
na tao, sa kabayo,
hawak ang espadang patayo

Tamang-tama nitong panahon
nakabinbin ang aking aplikasyon
pabalik-balik ako sa embahada
nag-aantay ng resulta

May nakikita sa hinaharap
Na hindi ako mapalagay
isang taong napakalapit, na ako'y galit
sa hinaharap, kami rin ay maghaharap

Pagkatapos ng hula
ako ay natuwa
tumungo sa simbahan
at sa Poon ay nanambitan

magkaroon ng katuparan
ang hula, aking tinanganan
humingi ng awa
at munting pag-asa

Dalawa ang aking ama
Ang isa ay buhay pa
isa nama'y di nakikita
ngunit batid kong nakatunghay
sa aking buhay

Pangit man o maganda ang hula
Sa bandang huli,
tuloy ang pananampalataya

19 Setyembre 2010
3:42PM

Comments

Popular Posts